Inilunsad ng Comelec Catanduanes sa unang araw ng campaign period kahapon ang 10.10 RUN o 10 Campaign Days, 10 Kilometer Run bilang bahagi ng mas pinaigting na Awareness Campaign for Kontra-Bigay para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2023.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Neil Canicula, tanging sila lamang sa Comelec Catanduanes ang may inisyatibong ganito sa buong bansa kung saan, sampung araw silang makikita ng mga kandidatong nangangampanya sa daan na tumatakbo ng sampung kilometro kada araw.
Isasagawa ito tuwing hapon sa lahat ng mga munisipyo sa lalawigan, kasama ang mga personahe ng Comelec, PNP, AFP at iba pang mga volunteer runners.
Layunin aniya nito na mapaalalahanan ang mga kandidato na seryoso sila sa Comelec sa pagbabantay, partikular sa vote-buying at vote-selling.
Sa unang araw ng 10.10 Kontra Bigay Run ay tumakbo na mula kapitolyo hanggang bayan ng Bato sila Canicula at inaasahang mas marami pang lugar na aabutin ang kanilang pagtakbo hanggang sa huling araw ng kampanya. | ulat ni Juriz dela Rosa | RP1 Virac