Pinangunahan ng COMELEC Surigao del Norte Provincial Office ang 2nd Provincial Joint Security Control Center o PJSCC Command Conference sa Surigao City kamakailan lamang.
Kasabay ng command conference inactivate ang Committee on Kontra-Bigay kung saan mahigpit na nagbabala si Comelec Caraga Regional Director Atty. Francisco Pobe na labanan ang vote buying at premature campaigning.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas – Butuan kay Surigao del Norte Election Supervisor Atty. Alvin Canta, isa sa mga tinututukan ng kanilang tanggapan ay ang bayan ng Socorro upang matiyak na hindi makakaapekto sa nalalapit na halalan ang usapin tungkol sa Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI).
Nilinaw nito na bukas na ang Sitio Kapihan, at maaari na ditong mangampanya ang mga kandidato ng Brgy. Sering.
Ayon kay Canta, handa na ang COMELEC Surigao del Norte sa BSKE, hinihintay na lamang nila sa ngayon ang pagdating ng official ballot.
Nangako naman ng tulong ang PNP, Philippine Army at Philippine Coast Guard (PCG) sa pag-transport at paghatid ng mga election paraphernalia maging sa mga island barangays; lalo na sa pagpapanatili ng maayos at mapayapang eleksyon.| ulat ni May Diez| RP1 Butuan