Ipinatawag ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang ilan sa pangunahing ahensya na tumutugon ngayon sa krisis sa Israel para sa isang briefing.
Ayon kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, layon ng naturang pulong na gaganapin bukas, October 11 na alamin kung ano na ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel at kung paano pa makakatulong ang Kongreso.
Kabilang sa mga inimbitahan ay ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration at Department of National Defense.
Pagtiyak ni Salo na nakatuon ang gobyerno sa pagsiguro na ligtas ang ating mga kababayan na naiipit ngayon sa gulo sa naturang bansa.
Inihain na rin ng mambabatas ang House Resolution 1369 na humihimok sa ehekutibo na bumuo ng isang Crisis Management and Response Task Force para asistehan ang mga Filipino migrant sa Israel.
Pangungunahan ito ng DFA at DMW kasama ang DND, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), OWWA, National Intelligence and Coordinating Agency (NICA), Philippine Ambassador to Israel at Labor Attaché sa Israel.
“The Crisis Management and Response Task Force will work diligently to closely monitor the ongoing conflict and establish effective systems to track the whereabouts and conditions of Filipino nationals in the affected areas, providing around-the-clock updates and assistance as may be necessary,” paliwanag ni Salo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes