Tinukoy ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang contingent fund para pagkunan ng pondo sakaling magpatupad na ng repatriation para sa mga Pilipino na naiipit ngayon sa gulo sa Israel dahil sa pag-atake ng grupong Hamas.
Ayon sa vice-chair ng Appropriations Committee, isa sa maaaring paggamitan ng contingent fund ay emergency situations gaya na lamang ng kasalukuyang sitwasyon sa Israel.
Maliban dito, magagamit din ang naturang pondo para makapagbigay trabaho sa mga Pilipinong manggagawa doon na mawawalan ng hanapbuhay.
“Contingent fund may be used for their repatriation and generate jobs for affected Filipinos. The government must come up with economic plans to cushion their abrupt termination of work,” sabi ni Garin.
Kaisa rin ang mambabatas sa panawagan sa ating Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na siguruhin ang kaligtasan ng mga kababayan nating nasa Israel.
Batay sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), mayroong 200 Pilipino ang nakadestino sa Gaza Strip kung saan nagaganap ang pag-atake.
Kasabay nito ay pinag-iingat din ni Garin ang lahat sa posibleng outbreak ng sakit dahil sa kaguluhan.
“With wars like this, even if far from our country, outbreaks and epidemics are expected to spread globally. Remember the war in Syria and Lebanon and conflict in Pakistan, measles and polio spread to the Philippines. Outbreaks of norovirus and rotavirus also happened leading to outbreaks of diarrhea,” paalala ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
📸: Anadolu Agency