Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na may posibilidad na organisado ang hacking na naranasan ng ilang government website nitong mga nakalipas na araw.
Sa pananaw ni Gatchalian, dahil sunod-sunod ay maaaring tinesting ng mga nasa likod nito ang paglaban ng ating bansa sa mga cyber attack.
Giit ng senador, kahit na website lang ang mga tinatarget ay posibleng simula pa lang ito ng mas malalim na problema.
Kaya naman nagbabala si Gatchalian, maging si Senador Alan Peter Cayetano, na posibleng mabiktima rin ng hacking ang mga critical infrastructure ng bansa gaya ng mga sistema sa tubig, kuryente at maging ng mga bangko.
Kaya naman, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan nang dagdagan ang budget ng DICT para makabili sila ng mga kinakailangang modernong kagamitan para malabanan ang mga cyberattack.
Panahon na rin aniyang magkaroon ng cybersecurity officers at cybersecurity plan ng mga critical infrastructure companies dahil sa ngayon ay information technology (IT) experts lang ang mayroon ang mga kumpanya.
Samantala, iginiit naman ni Cayetano na kung hindi ito mareresolba kaagad ay maaaring mauwi sa mas malalang problema ang kaharapin ng bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion