Data breach sa PhilHealth, pinaiimbestigahan sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinimok ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang House Committee on Information and Communications Technology na kagyat imbestigahan ang nangyaring data breach sa PhilHealth.

Aniya, kahit naka-break ang sesyon ay maaaring magpatawag ng motu proprio investigation ang komite.

Labis na nababahala ang mambabatas sa pag-amin ng PhilHealth na may mga impormasyon ngang nakuha matapos ang Medusa ransomware attack sa kanilang sistema.

Aniya ang mga impormasyong ito ng mga PhilHealth member ay maaaring gamitin ng hackers sa ibang krimen gaya ng identity theft.

“It is alarming that PhilHealth only confirmed the leak of personal information of PhilHealth contributors weeks after the Medusa ransomware attack on September 22. This should prompt an urgent independent investigation by the House to put concerned agencies to task and to identify the perpetrators of the data breach,” ani Brosas.

Dismayado ang mambabatas na hindi agad inamin ng PhilHealth na may nanakaw ngang mga impormasyon para sana nakapagsagawa ng angkop na imbestigasyon at aksyon laban sa mga taong nasa likod nito.

Hiniling din ni Brosas sa National Privacy Commission (NPC) na bigyan ang Kamara ng kopya ng resulta ng kanilang imbestigasyon sa cyber attack. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us