Ipatatawag sa Land Transportation Office (LTO) Central Office Intelligence and Investigation Division ang dati nitong empleyado na sangkot sa isa na namang viral road rage video sa Bulacan.
Sa naturang video, makikita ang tila pambu-bully ng dating LTO personnel na ibinagsak pa ang cellphone ng nakaalitang delivery rider.
Matapos makarating kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang naturang video, agad rin nitong inatasan ang Regional Director ng LTO-Region 3 na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa LTO, ipatatawag ngayong linggo sa Central Office ang dating empleyado na kinilalang si Gregorio Glean na nakadestino sa Licensing and Renewal Office sa San Jose del Monte, Bulacan.
Babala ni Mendoza, oras na mabigo ang respondent na magsumite ng paliwanag ay ituturing na itong pag-waive ng karapatan na mailahad ang kanyang panig.
“I expect him to honor the summon. Failure to do so means that he is waiving his right for all the measures that we would take against him not only as a driver’s license holder but also a former LTO personnel who is supposed to be a model of courtesy and discipline on the road,” ani Mendoza.
Kaugnay nito, pinatitiyak na rin ni Mendoza sa LTO Region 3 na hindi na ito makakabalik sa pagtatrabaho sa ahensya kahit kailan.
“Hindi natin palalampasin ang ganitong klaseng asal sa daan. Tama lang na natanggal sa LTO ang taong ito dahil hindi ganitong ugali ang inaasahan ng ating mga kababayan sa aming mga taga-LTO,” dagdag pa ni Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa