Posibleng ipa-contempt ng House Committee on Dangerous Drugs si dating Mexico Pampanga Mayor Teddy Tumang matapos maglabas ng ilang impormasyon mula sa ginawang executive session ng komite.
Sa isang presscon nitong October 11, sinabi umano ni Tumang na may ilan siyang nakausap na naging bahagi ng executive session.
Dito ay itinanong daw ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio Gonzales Jr. kung wala ba talagang kinalaman si Tumang sa iligal na droga.
Bagay na itinanggi naman ng kongresista.
Ayon kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, chair ng komite, anomang napag-usapan sa executive session ay hindi dapat isinasapubliko.
Batay pa aniya sa House Rules, ang paglabag dito ay maaaring patawan ng kaukulang sanction.
“Executive session yun at ang napag-usapan ay tungkol sa nasabing droga na nasabat at ang mga sirkumstansiya sa pagkakadiskubre ng 560 kilos (of shabu) at operational details na confidential in nature. Wala pong pinag-usapan tungkol sa politika,” ani Barbers.
Matatandaan na noong October 9 ay nagkasa ang komite ng pagsisiyasat tungkol sa 560 kilos ng shabu na nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Kasama sa mga ipinatawag si Tumang dahil na rin sa panahon ng kaniyang panunungkulan nang makakuha ng permit ang isang Willy Ong na siyang may-ari ng warehouse kung saan nasabat ang iligal na droga.
Isa rin sa mga tauhan niya noon sa munisipyo na si Roy Gomez ang nag-ayos sa papeles ni Ong. | ulat ni Kathleen Jean Forbes