Pinuna ni Senadora Cynthia Villar ang pagbibigay ng environmental compliance certificate (ECC) para sa mga reclamation activity sa Las Piñas-Parañaque Wetland.
Sa pagdinig sa Senado, kinuwestiyon ni Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Senadora Cynthia Villar si dating DENR Environmental Management Bureau (EMB) Director William Cuñado kung bakit hindi ikinonsidera ang masamang epekto ng reclamation activity sa Wetland area at nabigyan agad ng ECC ang reclamation project.
Giit ni Villar, dapat ay kinonsidera rin ng dating EMB head kapakanan ng mga taong nakapaligid sa lugar na babahain at mga mangingisda na maaapektuhan ang kabuhayan dahil sa reclamation.
Binigyang diin ng senadora na ang Las Piñas-Parañaque Wetland ay isang legislated protected area.
Taong 2017 rin aniya nang kanselahin ni dating DENR Secretary Gina Lopez ang permit to reclaim na makakaapekto sa naturang protected area.
Paliwanag naman ni Cuñado, inutusan lang siya ni dating acting DENR Secretary Jim Sampulna na pirmahan ng ECC ng naturang proyekto. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion