Pormal na nanungkulan bilang bagong Commander ng Civil Relations Service -Armed Forces of the Philippines (CRS-AFP) si dating Presidential Security Group Commander Brigadier General Ramon Zagala.
Sa Change of Command Ceremony sa Camp Aguinaldo kahapon na pinangunahan ni Vice Chief of Staff AFP (VCSAFP) Lieutenant General Arthur Cordura, pinalitan ni Brig. Gen. Zagala si Brigadier General Arvin Lagamon na una nang umangat bilang Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations, J7, nitong October 24.
Binati at pinasalamatan ni Lt. Gen. Cordura si Brig. Gen. Lagamon sa kanyang tagumpay sa pamumuno ng CRS-AFP, na nagbigay sa kanya ng karanasan para humawak ng mas mataas na pwesto.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Lt. Gen. Cordura kay Brig. Gen. Zagala sa kanyang bagong katungkulan at sinabing ang karanasan, kaalaman, at pagkabihasa sa larangan ng civil-military operations at protective security ni Zagala ay magdudulot ng positibong epekto sa CRS-AFP. | ulat ni Leo Sarne