Pumanaw na pasado alas-kwatro kaninang madaling-araw sa Palawan Adventist Hospital (PAH) si Palawan 3rd District Representative at dating Puerto Princesa City Mayor Edward Solon Hagedorn.
Sa ibinigay na opisyal pahayag ng kaniyang pamilya at mga kawani, ipinagpapasalamat umano nila ang matunghayan ang kabuuan ng naging lakarin ng opisyal partikular na sa paglilingkod sa bayan.
Yumao si Hagedorn sa edad na 76 matapos ang ilang taon ding pakikipag-buno sa sakit na cancer.
Ayon naman sa chief-of-staff ng opisyal na si Atty. Mae Santiago Ora, inaayos pa nila ang lahat sa kasalukuyan at magbibigay na lamang ng karagdagang pahayag.
“Still finalizing. [We] will keep you posted on our official page,” ani Ora.
Taos-puso ring ipinaabot ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang pakikiramay sa pagpanaw ng opisyal.
Sa pahayag ni City Mayor Lucilo Bayron ngayong umaga sa pamamagitan ni City Information Officer Richard Ligad, ikinalulungkot ng lungsod ang pagpanaw ng opisyal.
Aniya, nag-umpisang manungkulan bilang alkalde si Hagedorn noong Hulyo ng Taong 1992 hanggang Hunyo ng Taong 2013.
Ilan din aniya sa kaniyang legasiya sa lungsod ang pagkakabilang ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) bilang isa sa New Seven Wonders of Nature.
Kabilang din aniya sa mga natapos na proyekto ni Hagedorn ang konstruksyon ng Puerto Princesa City Baywalk, Puerto Princesa City Coliseum, at New Green City Hall. | ulat nia Gillian Faye Ibanez | RP1 Palawan