Dumipensa ngayon si Davao City Rep. Paolo Duterte matapos sampahan ng kaso sa Quezon City Court ang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Davao solon, nirerespeto niya ang karapatan ng isang indibidwal na maghain ng reklamo sa korte.
Ngunit bilang public servants aniya, hindi dapat maging balat sibuyas at gamitin ang karapatan na maghain ng kaso para patahimikin ang mga kritiko.
Punto pa nito na marami rin naman natanggap na kritisismo at pamamahiya ang kaniyang ama noon ngunit hindi naman ito nagsampa ng kaso laban sa kung sino.
“The former President has received much harsher and humiliating criticisms in the past but never filed a case against anyone. As public servants, we all are under scrutiny by the Filipino people.” saad ng nakababatang Duterte.
Martes nang maghain ng reklamong grave threat si House Deputy Minority leader France Castro laban sa dating pangulo dahil sa naging pahayag nito ng pagbabanta umano sa kaniyang buhay sa isang TV interview.
Aniya kung may nabanggit man ang dating pangulo na sa tingin niya ay pagbabanta, ay mas maigi na magpakatotoo na lamang umano si Castro kaysa idaan sa drama at pagpapa-media.
“If the former President has said something that threatened her, then maybe she should come out clean. ‘Di yung nagtatago tayo sa likod ng so-called “right” na ito. As a Congressman myself, madami din akong alam sa maka-kaliwang mga Party-list Representatives. Tigilan na lang natin ang ka-dramahan at pagpapa-media.” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes