Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagganap nito sa kanilang mandato na protektahan at itaguyod ang legal maritime entitlement ng Pilipinas.
Ito’y ayon sa DFA kasunod ng panibagong insidente sa West Philippine Sea nang banggain ng mga barko ng China Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng re-supply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon kay DFA Spokesperson Ambassador Teresita Daza, hindi tumitigil ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga diplomatikong hakbang nito kabilang na ang pagpapatawag sa Deputy Chief of Mission ng China sa Pilipinas.
Muling iginiit ng DFA sa China na bahagi ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin Shoal kaya’t mayroon itong soberenya at hurisdiksyon sa bahaging iyon ng karagatan.
Idinagdag pa ni Daza na ipinaabot din ng Pilipinas sa China ang lahat ng karapatan nito salig sa itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNLCOS) para magsagawa ng lehitimong aktibidad at hindi nila tatanggapin ang anumang uri ng panghihimasok.
Bilang Major Power, binigyang diin ng DFA na naka-atang sa China ang napakalaking pananagutan upang mag-ambag para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Kasabay nito, nagpaabot naman ng pasasalamat ang Pilipinas sa International Community sa walang patid na suporta nito para sa rules-based international order. | ulat ni Jaymark Dagala