Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi nabawasan ng desisyon ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng lehislatura na magsagawa ng mga imbestigasyon in aid of legislation.
Tinutukoy ni Zubiri ang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyong inihain ng Senado na kumukwestiyon sa constitutionality ng kautusang ibinaba ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumipigil sa mga opisyal ng Executive Department na dumalo sa mga legislative investigation.
Sa desisyon ng korte, sinabi ng SC en banc na may sariling remedy ang Senate Blue Ribbon Committee para resolbahin ang jurisdictional challenge ng dating pangulo.
Ipinaliwanag ni Zubiri na ibinasura ng korte ang kaso dahil sa procedural grounds.
Sinabi ng senate president na itinuturing lang premature ang paghahain ng kaso dahil maaari muna itong resolbahin ng Senado gamit ang sarili nitong rules.
Kinikilala rin aniya ng naturang desisyon ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng inquiries in aid of legislation, basta’t ang gagawing imbestigasyon ay mahalaga o kinakailangan sa pagbuo ng batas.
Binigyang diin ng senate leader na nirerespeto nila ang desisyon ng korte.
Pag-aaralan aniya nila ang desisyong ito ng Korte Suprema at gagamitin para mapatatag ang internal rules ng Senado.| ulat ni Nimfa Asuncion