Tiwala ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na sisigla ang pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program at ang ekonomiya ng bansa, dahil sa ipinatupad na adjusted socialized housing price ceiling.
Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, na ang bagong pricing o pagpepresyo ay inaasahan na makakaakit sa private contractors at developers.
Sila itong humihirit ng adjustment upang aktibong mamuhunan sa socialized housing, at lumahok sa pabahay projects ng pamahalaan.
Sinabi ng kalihim, na malaking bagay umano ito sa patuloy na pag arangkada ng Pambansang Pabahay, na inaasahan nang marami ang sasali sa programa mula sa private sector.
Ito aniya ang kailangan ng DHSUD, upang matugunan ang housing backlog na 6.5 million units.
Sa ngayon, nasa 20 ang ongoing pabahay projects sa Luzon, Visayas at Mindanao kasama ang private contractors at local government units sa timon ng pag-unlad. | ulat ni Rey Ferrer