Nakipagpulong si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga opisyal ng Union of Local Authorities of Philippines (ULAP) para sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) 41 alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Inilabas nitong nakaraang linggo ang Executive Order 41 na nagsususpinde sa paniningil o “pass-through fees” sa lahat ng national roads upang maging magaan ang daloy ng mga kalakal sa bansa.
Sa naturang pulong, hinikayat ni Sec. Abalos ang member leagues ng ULAP at iba pang LGUs na magpasa ng resolusyon na susuporta sa EO-41.
Ayon sa kalihim, mahalagang maging katuwang ang LGUs para maging epektibo at mabilis ang pagpapatupad ng EO sa bansa.
“The DILG recognizes that LGUs are essential partners of the national government in achieving national development goals. We, therefore, urge ULAP to mobilize support for EO-41 to facilitate the seamless flow of goods and services throughout the country,” ani Abalos.
Sa kanya namang panig, tiniyak ni ULAP President Governor Dax Cua na magpapasa ito ng resolusyon para matiyak na tatalima ang lahat ng lokal na pamahalaan sa direktiba ng Pangulo.
Hihilingin din aniya nito sa local chief executives na magpasa ng mga ordinansa na nagsususpinde sa pangongolekta ng mga bayarin sa kanilang mga nasasakupan. | ulat ni Merry Ann Bastasa