Umaasa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikiisa ng lahat ng kandidato at mga tagasuporta sa pag-arangkada ng campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections ngayong araw.
Ayon sa DILG, handa na ito sa pagtataguyod ng maayos, malinis, at matiwasay na eleksyon ng mga barangay official.
Makakaasa aniya ang publiko na sanib pwersa ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbabantay ng halalan, mula kampanya hanggang sa bilangan.
Kasama sa direktiba nito sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapaigting ng Police visibility at pagde-deploy ng sapat na personnel lalo na sa mga lugar na kabilang sa areas of concern ng COMELEC, upang masiguro na maiiwasan ang anumang election-related violence.
Kasunod nito, nanawagan din ang DILG sa publiko na makiisa at protektahan ang electoral process laban sa mga iligal na aktibidad gaya ng vote-buying.
“Napakahalaga ng inyong mga boto lalo na’t malaki ang papel na ginagampanan ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng pamahalaan. That’s why I call on everyone: let’s work together to protect our electoral process against those who commit vote-buying and vote-selling. Wakasan natin ang kanser ng lipunan na ito.” | ulat ni Merry Ann Bastasa