Naglabas ng babala ang Department of Energy-Oil Management Bureau (DOE-OIMB) patungkol sa mga mapanlinlang na gawain na may kinalaman sa isang indibidwal na nagpapanggap bilang empleyado ng DOE.
Ayon sa advisory na inilabas ng ahensya, isang nagngangalang Railey ang nagsasabing empleyado ng DOE at gumagamit ng mobile number na 09953266426.
Si Railey umano ay nag-aalok upang magproseso at palawigin ang bisa ng LPG License to Operate (LTO) mula sa lima (5) hanggang pitong (7) taon. Bukod dito, may isa pang indibidwal na gumagamit ng mobile number at nag-aalok ng “pribadong” paghahatid ng LTO para naman sa P600.
Ayon sa OIMB, wala sa kanilang mga talaan ang mga nasabing nagpapanggam na empleyado at hindi ito gumagamit ng mga Bayad Center o ng mga e-wallets para makipagtransaksyon.
Dagdag pa nito, sumusunod ang DOE sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act No. 6713, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado mula sa paghingi ng pera.
Pinapayuhan naman ang publiko, lalo na ang mga industry participants na agad na iulat sa kanilang tanggapan ang mga ganitong mapanlinlang na mga gawain.
At para tamang impormasyon sa pag-apply para sa LPG License to Operate (LTO), mangyaring bisitahin ang website ng DOE. | ulat EJ Lazaro