Sumailalim ngayong linggo sa ikalawang batch ng biosafety training ang ilang health workers mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Lumahok sa nasabing training ang health workers mula sa Metro Manila, Ilocos, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Calabarzon, at Bicol.
Sa loob ng limang araw, 66 na health personnel na binubuo ng mga medical technologist, doktor, at nars ang lumahok sa pagsasanay na kinapapalooban ng iba’t ibang pagsasanay sa biosafety, biorisk management, pagamit ng personal protective equipment (PPE), biorisk mitigation control, transportation of infectious substances, at pagresponde sa aksidente at insidente sa mga laboratoryo.
Pinangunahan ng DOH at Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang nasabing training na may layuning magbigay ng mabilis, epektibo, at patuloy na operasyon para sa pagtukoy ng mga sakit tulad ng COVID-19 na may public health importance.
Ayon sa DOH, bahagi ito ng isa sa kanilang 8-point agenda para sa “Proteksyon sa Anumang Pandemya” at magpapalakas sa implementasyon ng Universal Health Care o UHC na may layuning makamtan ang isang Heathy Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro