Nilinaw ng Commission on Elections ang importansya ng paglalagay ng markings na “Donated by” sa mga ipamimigay ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, ito ay dahil sa ₱5 lamang ang nakasaad sa batas na pwedeng gastusin ng isang kandidato sa bawat botante nito.
Sa oras aniya na makita at mapatunayan ng COMELEC na lumabag ang sino man sa nakatakdang alituntunin ay posible itong makasuhan o kung nanalo man ay matanggal sa pwesto.
Paliwang ng pinuno ng COMELEC kung ang mga ipamimigay sa botante ay hindi galing sa sariling bulsa ay dapat malinaw itong nakikita na ito ay donated ng kung sinong grupo o personalidad.
Pero giit ng COMELEC hindi porket may markang na “Donated by” ang isang item ay lusot na agad ito sa kanilang mga mata dahil kinakailangan ilagay ng kandidato sa kanilang statement of contributions and expenditures ang grupo o tao na nagbigay ng nasabing donasyon.
Inihalimbawa pa ng COMELEC na kung aabot lamang sa ₱5,000 ang halaga ng dapat gastusin ng isang kandidato sa BSKE base sa bilang ng botante sa kanyang nasasakupan, at ito ay nakatanggap ng ₱100,000 donasyon, dapat itong magbayad ng tax sa Bureau of Internal Revenue (BIR). | ulat ni Lorenz Tanjoco