Maghihigpit ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa pagbibigay ng emergency repair work permit sa mga tauhan ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa National Capital Region gayundin sa utility companies.
Ito’y kasunod ng ipinasang resolusyon ng MMDA hinggil sa pagpapatupad ng moratorium sa excavation activities at road repair works mula Nobyembre a-13 hanggang Enero a-8 ng susunod na taon.
Maliban sa mga kintawan ng mga mall sa Metro Manila, pinulong din ng MMDA ang mga kinatawan mula sa DPWH-NCR at iba’t ibang utility company gaya ng MERALCO, Water Concessionaires at Telecommunication Companies.
Kasabay kasi ng pagpapatupad ng adjusted mall hours ang moratorium sa malalaking paghuhukay o pagawain sa mga kalsada sa Metro Manila.
Exempted dito ang flagship project ng pamahalaan gayundin ang mga pagawaing nangangailangan ng kagyat na pagkukumpuni at mga proyekto na may kinalaman sa pagbaha. | ulat ni Jaymark Dagala