Muling sumailalim sa drug testing ang mga driver at konduktor sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para masiguro ang kaligtasan sa kalsada sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas.
Ayon kay MMDA Chair Romando Artes, magkakaroon muli ng drug testing sa PITX para sa mga driver at konduktor, kasama ang PDEA, NCRPO at DILG, upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong biyaheng papasok at palabas ng Metro Manila.
Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na maiwasan ang mga aksidente na may kinalaman sa droga sa kalsada, lalo na sa panahon ng peak season ngayong long weekend.
Kahapon, aabot sa 115 driver at konduktor ang nasuri na sa PITX terminal, at wala sa mga ito ang nagpositibo sa ilegal na droga.
Maliban dito sinabi ng MMDA Chairman na patuloy ang kanilang gagawing pagbabantay ngayon kahit holiday kung saan halos 1,500 na enforcers na ang kanilang naipakalat at ang pagpapatupad ng ahensya ng “no leave, no absent policy” para sa mga staff nito.| ulat ni EJ Lazaro