Mamamahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga miyembro ng House of Representatives ng bigas at tulong pinansyal sa pinakamahirap na mga Pilipino, sa susunod na dalawang linggo.
Ito ay sa ilalim ng Malaya Rice Project na layong maibsan ang tumataas na presyo ng mga bilihin at problema sa kagutuman.
Nasa 2.5 milyon na mga mahihirap na Pilipino ang inaasahang makikinabang sa naturang proyekto.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, sisimulan ang pamamahagi ng bigas at tulong pinansyal sa National Capital Region (NCR), kung saan nasa 10,000 mga benepisyaryo kada distrito ang mabibigyan ng tulong.
Kabilang sa matatanggap na tulong ay tig-P1,000 tulong pinansyal at 15 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P500 hanggang P600.
Bukod sa NCR, plano ring ipatupad ang Malaya Rice Project sa Metro Cebu, Davao, at iba pang lugar sa bansa. | ulat ni Diane Lear