Nagpaabot na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng apat na indibidwal na natabunan sa landslide sa General Nakar, Quezon noong October 24.
Sa ulat ni DSWD Field Office 4A Regional Director Barry Chua, nagtungo na ang mga tauhan nito sa kaanak ng mga nasawi at naghatid ng financial aid na tig-₱10,000.
Ayon kay RD Chua, sinagot na rin ng Municipal Social Welfare and Development Office ang Burial Assistance para sa pamilya.
Natukoy ring miyembro ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ang mga biktima kaya sila ay maaalalayan na sa Educational Assistance.
Batay sa inisyal na impormasyon mula sa Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), gumuho ang lupa sa lugar bunsod ng ilang araw na nararanasang pag-ulan sa Sierra Madre mountains, na malapit sa boundary ng Gen. Nakar. | ulat ni Merry Ann Bastasa