Nakikidalamhati ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng estudyanteng si Francis Jay Gumikib, na nasawi matapos umanong sampalin ng kanyang guro sa Antipolo.
Sa ulat ni DSWD Field Office 4A Regional Director Barry Chua kay Secretary Rex Gatchalian, sinabi nitong nagsagawa na ng case management ang social workers ng ahensya sa pamilya ng Grade 5 student.
Kasama naman sa agad na ipinaabot ng DSWD ang hindi bababa sa ₱10,000 financial assistance para sa bayad sa ospital at pati na rin sa punerarya.
“Social workers from the DSWD Field Office 4A have taken immediate action to support the bereaved family of Francis and provide them with essential assistance during this difficult time,” ani Assistant Secretary for Strategic Communications Group Romel Lopez.
Kaugnay nito, tiniyak ng DSWD na handa itong maglaan ng karagdagan pang suporta para matugunan ang pangangailangan ng pamilya Gumikib.
“We will closely coordinate with the authorities and concerned agencies to ensure the welfare of the bereaved family,” dagdag pa ni Asst. Sec. Lopez. | ulat ni Merry Ann Bastasa