Nag-ikot ang mga opisyal at tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isang furniture store/warehouse sa Pasig City, ngayong araw.
Pinangunahan ni DTI Assistant Secretary Mary Jean Pacheco kasama si Senate Deputy Majority Leader at Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship Chairman Mark Villar.
Ayon kay ASec. Pacheco, bahagi ito ng kanilang mandato na tiyaking ligtas ang nasa tamang presyo ang mga ibinebentang produkto sa merkado.
Ilan sa mga ininspeksyon ng DTI ay mga Christmas light, bombilya, appliances gaya ng electric fan, aircon at iba pang inilalagay sa bahay tulad ng tiles, plywood at mga carpet.
Mahalaga aniyang makatiyak ang mga mamimili na may Safety Mark at Import Commodity Clearance o (ICC) sticker ang bibilhing produkto.
Sa panig naman ni Villar, sinabi nito na mahalagang maging compliant o nakasusunod sa panuntunan ang mga nagtitinda ng mga nabanggit na produkto, upang masigurong hindi ito magiging mitsa ng mas malaking disgrasya gaya ng sunog.
Hinikayat naman ni ASec. Pacheco ang publiko, na iwasang bumili ng mga substandard na produkto at tiyaking lehitimo ang mga ito lalo pa’t malapit na ang pasko. | ulat ni Jaymark Dagala