Nagsimula na ang early voting para sa mga Senior Citizen at Person’s with Disabilities o PWDs sa Muntinlupa Elementary School sa Brgy. Poblacion Muntinlupa City ngayong umaga.
Kanina, bumisita rito si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia kung saan, personal niyang sinilip ang sitwasyon ng mga nakatatanda at mga may kapansanan na nabigyan ng pagkakataon upang maagang makaboto.
Ayon kay Chairman Garcia, bagaman wala pang nabubuong batas hinggil sa early voting, minarapat nilang gawin ang pilot testing nito sa Muntinlupa City gayundin sa Naga City, Camarines Sur.
Sakaling maging matagumpay ito, sinabi ng Poll Chief na kanila na itong ganap na ipatutupad sa lahat ng polling center sa buong bansa sa 2025 Mid-Term Elections.
Kaya naman, kanina pang alas-5 ng umaga ay maaari nang bumoto ang mga nakatatanda at may kapansanan na ang ilan ay maagang tumungo rito para makaboto.
Sa ngayon, mahaba na rin ang pila sa labas ng Muntinlupa Elementary School para naman sa mga regular na botohan na magbubukas ng alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. | ulat ni Jaymark Dagala