Patuloy na ipinamamahagi ngayong araw sa Lungsod Maynila ang mga election paraphernalia at ballot boxes na gagamitin para sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections bukas.
Trak-trak na mga ballot boxes ang hinahakot ngayong araw sa warehouse sa tabi ng Manila City Hall para dalhin sa mga paaralan.
Matapos i-load sa mga magde-deliver na trak ang mga ballot boxes ay sinasamahan naman ito ng grupo ng mga pulis escort at mga traffic enforcer.
Ayon sa Treasure’s Office ng Maynila, target nilang matapos ang delivery ng mga ballot boxes bago magtanghali ngayong araw.
Kahapon, nagsimula na rin silang mag-distribute para sa ilang distrito ng lungsod.
Sa ngayon, nanatiling maayos ang pamamahagi na isinasagawa dito sa Maynila. | ulat ni EJ Lazaro