Mariing kinondena ng Embahada ng Israel sa Pilipinas ang marahas na pag-atake ng grupong Hamas sa kanilang bansa.
Sa isang pahayag, kinondena ng Embahada ang marahas na isinagawang pag-atake ng grupong Hamas sa mismong araw ng Simchat Torah, isang sagradong araw para sa mga Hudyo.
Kung saan ayon sa ulat, mahigit 250 Isareli na ang nasawi, higit 1,600 ang sugatan, at mahigit 100 ang sinasabing na-kidnap ng Hamas sa Gaza.
Sa zoom interview sa media, sinabi ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, na ang ginawang pag-atake ng Hamas ay deklarasyon ng giyera laban sa kanilang bansa at karapatan ng Israel na rumesponde sa anumang karahasan para protektahan ang mamamayan nito.
Nanawagan din si Fluss ng suporta mula sa mga kaalyadong bansa na kondenahin ang isinasagawang karahasan ng Hamas.
Bukod dito, wala pang kompirmasyon kung may Pinoy ba na nasama sa bilang mga na-kidnap sa Israel matapos ang unconfirmed report na may Pilipino umano na kasama sa mga na-abduct ng grupong Hamas.
Nagbigay din si Fluss ng mensahe sa mga pamilya ng mga overseas Filipino at sa mga kababayan nito sa Israel na mag-ingat at nagbigay payo na manatili sa kanilang mga tahanan. Nagbigay payo din ito na sundin ang mga direktibang ibinigay ng mga awtoridad at ng embahada para sa kaligtasan.
Sa kabila ng kaguluhan, umaasa si Ambassador Fluss na magkakaroon ng kapayapaan at kaligtasan para sa lahat, kabilang na ang mga Pilipinong nasa Israel. | ulat ni EJ Lazaro