Nais amyendahan ni OFW party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act upang palawakin ang maaaring paggamitan ng Emergency Repatriation Fund (ERF).
Sa kaniyang House Bill 9388, itutulak na maging flexible sa paggamit ng ERF para sa pagtatayo ng temporary shelters at halfway houses para sa mga OFW.
Kung maisasakatuparan, mas makakatipid aniya ang gobyerno kaysa magbayad ng commercial accommodation para sa migrant workers.
Maliban dito, madalas ay congested o punuan na ang Bahay Kalinga kung saan nananatili ang mga OFW.
Sa kasalukuyan, mayroon lamang 24 na Bahay Kalinga sa buong mundo kung saan 14 ang nasa Middle East.
Batay sa kasalukuyang batas, ang ERF ay ginagamit lang para sa repatriation ng mga OFW sakaling magkaroon ng giyera, epidemya, kalamidad at iba pang kahalintulad na pangyayari.
“Ang laki ng pondong natitira sa ERF subalit hindi magamit ng OWWA para sa ibang pangangailangan ng mga OFWs dahil restricted ito ng batas. Sayang ang pondo. Kaya’t kailangan natin ibagay ang batas sa mga nagsisilabasang pangangailangan sa repatriation process. Una na nga dito ang maaayos, malilinis, at ligtas na shelters at halfway houses na paglalagian ng ating distressed OFWs.” sabi ni Magsino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes