Suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan ngayong araw para bigyang daan ang mga aktibidad na lalahukan ng mga guro ngayong World Teacher’s Day.
Ito ang kinumpirma ni Department of Education o DepEd Spokesperson, Usec. Michael Poa batay sa inilabas na memorandum ngayong umaga.
Dahil dito, sinabi ni Poa na lilipat muna sa blended learning modalities ang lahat ng in-person classes sa elementarya at sekondarya, kasama na ang community learning centers
Samantala, maliban ngayong araw, suspendido rin ang face-to-face classes sa Oktubre 31 para bigyang pagkakataon naman ang mga guro na magampanan ang kanilang tungkulin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30. | ulat ni Jaymark Dagala