Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na kailangan ng mga operator at tsuper na magpaskil ng fare matrix o taripa sa pagpapatupad ng taas-pasahe sa pampasaherong jeepney.
Ayon sa LTFRB, maaari nang maningil agad ng pisong dagdag-pasahe ang mga driver dahil ang inaprubahang taas-pasahe ay provisional o pansamantala lamang.
Ibig sabihin, simula pa kahapon, October 8, ay awtomatiko nang ₱13 ang minimum na pasahe sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) habang ₱15 naman para sa Modern Public Utility Jeepney (MPUJ).
Ito ay epektibo sa buong bansa alinsunod na rin sa desisyon ng LTFRB sa hiling ng
ilang transport group na taasan ang pamasahe upang makabawi sa gitna ng walang preno pa ring pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga tsuper sa 20% diskwento sa mga estudyante, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens na sasakay ng jeepney. | ulat ni Merry Ann Bastasa