Iginiit ni Senate Presdient Juan Miguel Zubiri na dapat habulin at kasuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nakabangga sa Pinoy fishing vessel sa Baso de Masinloc na ikinasawi ng tatlo nating kababayan.
Ayon kay Zubiri, kung mapatunayang pinabayaan lang ng foreign vessel na nakabangga ang ating mga kababayan ay dapat silang masampahan ng kasong kriminal at sibil.
Ipinaliwanag ng Senate President na dahil sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas nangyari ang naturang insidente ay pwede silang sampahan ng kaso sa mga korte ng ating bansa. Gaya ng kasong reckless imprudence resulting to death o kaya homicide kung mapaptunayang may klarong intensyon na gawin ang pagbangga.
Idinagdag rin ng Senate leader na pwedeng manghingi ang Pilipinas ng indemnity o bayad-pinsala para sa mga pamilya ng mga nasawing mangingisda.
Ipinunto ni Zubiri na sa ilalim ng UNCLOS ay may code of conduct na dapat sinusunod ang mga naglalayag sa karagatan na dapat tulungan ang mga nangangailangan.
Pero sa kaso ng dayuhang nakabangga sa bangkang pangisda ng mga Pinoy, tingin ni Zubiri ay nilampasan at hinayaan lang sila ng mga nakabangga sa kanila.
Aniya, ang mga malalaking barko ay may sapat na kagamitan gaya ng radar para mamonitor at makita ang kahit maliliit na sasakayang pandagat sa kanilang dadaanan kaya imposible aniyang hindi nakita ng foreign vessel na ito ang bangkang pangisda ng mga Pilipino.| ulat ni Nimfa Asuncion