Iginiit ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na puspusan ang mga hakbang na kanilang ginagawa upang makamit ang full digitalization sa kanilang hanay.
Ito’y bilang pagsunod na rin ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang digital infrastructure na layuning pabilisin ang mga transaksyon sa pamahalaan.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma, ito ang dahilan kaya’t hiniling nila ang pagbuo ng isang Task Force na siyang aagapay sa kanila nang umatake ang Medusa ransomware sa online sistem ng ahensya.
Magugunitang nag-down ang website gayundin ang online system ng State Health Insurer matapos makuha umano ng mga hacker ang lahat ng datos nito at pinatutubos kapalit ang $300,000 dollars.
Kasunod nito, sinabi ni Ledesma na hindi sila natatakot sa buwelta ng mga hacker lalot maagap aniya ang iba’t ibang ahensya gaya ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), National Privacy Commission (NPC), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Itinuturing din nilang ‘bluf’ ang banta ng mga hacker na isasapubliko ang mga nakuha nilang datos lalo’t naninindigan silang walang ransom na ibibigay sa mga ito.
Sa huli, sinabi ni Ledesma na mula noong unang araw pa lamang, iniuulat na nila kay Pangulong Marcos ang bawat pangyayari, hakbang, at solusyon na kanilang ginagawa at tiniyak na makatatalima sila sa naisin nitong digitalisasyon. | ulat ni Jaymark Dagala