Ipinapanukala ng isang party-list solon na ma-exempt sa value-added tax ang mga gamot para sa mental health condition upang mas maging accessible at abot kaya sa publiko.
Sa ilalim ng House Bill 9156 o Mental Health Medicines VAT-Exemption Act na inihain ni Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos, aamyendahan ang National Internal Revenue Code.
Dito, simula January 1, 2024 ay isasama na sa mga gamot na exempted sa VAT ang gamit panggamot ng mental health conditions.
Aatasan naman ang DOH na maglabas ng listahan ng naturang mga gamot na maisasama sa exemption.
Punto ni Delos Santos, bilang mandato ng Estado na tiyakin ang karapatan sa kalusugan ng mga Pilipino ay mahalaga na masiguro maibibigay ang kinakailangang mental health assistance sa mga nangangailangan.
Ngunit kadalasan, dagdag pasanin ang indirect tax na ito sa mga pasyente.
Bahagi rin aniya ito ng pagpapalakas sa RA 11036 o Mental Health Act. | ulat ni Kathleen Jean Forbes