Kinumpirma ng principal ng Peñafrancia Elementary School sa Cupang, Mayamot, Antipolo City na si Dr. Marilyn Rodriguez na naghain ngayong araw ng leave of absence ang guro na si Mrs. Marisol Sison.
Sa panayam ng media kay Rodriguez, indefinite leave ang inilagay sa leave form na pirmado at isinumite ni Sison sa paaralan kaninang umaga.
Ayon kay Rodriguez, naaawa rin sila sa kalagayan ngayon ng nasabing guro dahil ito ay breadwinner at siya ang bumubuhay sa kanilang pamilya.
Dagdag pa nito na unang pagkakataon lang ito na nagkaroon ng ganitong insidente sa kanilang paaralan at ito rin ang unang pagkakataon na may ganitong reklamo laban kay Sison sa loob ng 27 taon nito bilang guro.
Kasama sana sa dadalaw sa labi ng 14 na taong gulang si Francis Jay Gumikib si Rodriguez pati na ang ilang guro ng Peñafrancia Elementary School ngayong hapon ngunit hindi sila pinayagan dahil hindi pa naisasailalim sa autopsy ang katawan ng biktima.
Nakaburol ngayon sa Heaven’s Gate Parks Chapels and Crematory sa Mambugan Antipolo City si Francis. | ulat ni Diane Lear