Ipinadala na ng Philippine Army ang nasa halos 1,000 sundalo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ito’y para tumulong sa pagtitiyak ng seguridad para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.
Ayon kay Army Spokesperson, Colonel Xerses Trinidad, nagmula sa iba’t ibang Army unit sa Luzon at Mindanao ang ipinakalat sa BARMM para siguruhing ligtas, maayos, at mapayapa ang gagawing halalan doon.
Samantala, isasagawa naman ngayong araw ang sabayang send-off ceremonies para sa security personnel na itatalaga para sa BSKE.
Kasabay ng flag raising ceremony sa Kampo Crame ngayong araw, personal na tatanggapin ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Erwin Garcia ang mga deputized personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard.
Matapos nito ay sabayang lalagda ang COMELEC at PNP ng sharing of data kung saan, bibigyan ng direktang access ang poll body sa Incident Command Center ng PNP mula Kampo Crame na maghahatid ng real time na impormasyon mula sa ground.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa pagtitipon sina, AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr, PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., Philippine Coast Guard Commandant Admiral Gil Gavan, at Department of Education (DepED) Undersecretary Revsee Escobedo. | ulat ni Jaymark Dagala