Magde-deploy ang Quezon City local government ng nasa 1,000 personnel para tiyakin ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas sa lungsod.
Ayon kay QC Traffic and Transport Management Department (TTMD) OIC Dexter Cardenas, kasado na ang security at traffic plan sa lungsod, maging ang mga itatalagang tauhan.
Kasama sa tututukan ang mga pinakamalalaking sementeryo sa lungsod, kabilang ang Bagbag Public Cemetery maging ang ilang pribadong sementeryo.
Inaasahan kasing aabot sa higit 40,000 ang bibisita sa Bagbag Cemetery ngayong Undas, habang higit 12,000 rin sa Novaliches Public Cemetery.
Bukod sa mga sementeryo, magbabantay rin ang mga tauhan ng QC sa mga bus terminal na inaasahang dadagsain ng mga biyahero, gayundin sa mga kalsada na malapit sa boundary ng malalaking sementeryo gaya na lang ng North Cemetery.
Ayon pa kay Cardenas, magde-deploy din ang LGU ng mga medic at first aid station para sa mga mangangailangan ng agarang atensyong medikal. | ulat ni Merry Ann Bastasa