Malaki ang itinaas ng bilang ng mga Pilipinong may trabaho nitong buwan ng Agosto, ayon yan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa pinakahuling labor forcer survey ng PSA, umakyat sa 95.6% ang employment rate o katumbas ng 48.07 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.
Dagdag na 3.44 milyon ito na nagkatrabaho mula Hulyo hanggang nitong Agosto at higit 200,000 kung mula Agosto ng taong 2022.
Bumaba rin sa 4.4% ang unemployment rate nitong Agosto mula sa 4.8% noong Hulyo.
Maging ang underemployment rate o bilang ng mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan ay bumaba rin sa 11.7%.
Ayon sa PSA, kabilang sa mga industriyang may mataas na employment rate kumpara noong nakaraang taon ang Fishing and Aquaculture, Construction, Agriculture and Forestry, Human Health and Social Work Activities, at Administrative and Support Service Activities.
Paliwanag rin ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, tumaas ang bilang ng mga Pilipinong self-employed nitong Agosto. | ulat ni Merry Ann Bastasa