Magtatayo na ng 3,651 housing units ang National Housing Authority sa lalawigan ng Laguna at Quezon para sa mga pamilyang maaapektuhan ng Philippine National Railways (PNR) South Long-Haul Project-Segment 3.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, sa kabuuang bilang, 1,099 units ay itatayo sa St. Barts Southville Heights, Laguna; 620 naman ang itatayo sa Villa del Rancho Homes sa Tiaong, Quezon; 619 sa Banahaw View Residences sa Candelaria, Quezon; 663 sa Sariaya Residences, Sariaya, Quezon at 650 unit sa Vista del Rio Residences sa Pagbilao, Quezon.
Sinabi ni GM Tai na kumpleto din sa pasilidad ng mga housing projects, tulad ng paaralan, multipurpose covered court, palengke, health center, training center, tricycle terminal, material recovery facility, at isang police outpost.
Ang proyekto ay suporta sa mga hangarin at layunin ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at programang Build Better and More Housing ng NHA.
Asahan pa ang patuloy na makikipagtulungan ng NHA sa iba pang sangay ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang maipatupad ang mga programang pabahay para sa mga mamamayan. | ulat ni Rey Ferrer