Higit P1.5 milyon halaga ng marijuana, nasabat ng mga awtoridad sa Makati City

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sa kulungan ang bagsak ng isang 33 taong gulang na lalaking chef matapos ang operasyong isinagawa ng Makati City Police kung saan nakumpiska mula dito ang mga pinaghihinalaang iligal na droga sa pamamagitan ng tip ng isang concerned citizen.

Nakuha mula sa suspek na si alyas R, ang tinatayang P1,540,000 ng marijuana kush, marijuana oil, at iba pang gamit sa droga.

Ayon sa tip na natanggap ng Substation 7 desk officer mula sa isang concerned citizen na may alyas Nico, na empleyado ng isang delivery express, ginagamit umano ng suspek ang kanilang serbisyo upang maghatid ng mga ilegal na droga.

Agad namang kumilos ang Joint Station Drug Enforcement Unit kasama ang Substation 7 personnel, na humantong sa pagkakahuli ng suspek sa isang delivery express company sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City at dito na nga nakumpiska sa suspek ang pinaghihinalaang mga iligal na droga.

Nahaharap ngayon ang suspek sa paglabag sa Section 5 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni PBGEN Roderick Mariano ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan tulad ni alias Nico na nauwi sa matagumpay na pagkakadakip ng suspek.

Dagdag pa ni Mariano, nananatiling nakatuon ang SPD sa pagtitiyak sa kaligtasan ng publiko at ang aktibong pagkilos nito upang wakasan ang ilegal na aktibidad sa droga sa Southern Metro. | ulat ni EJ Lazaro

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us