Inaasahan na ng ilang ranking lawmakers ang pagbagal sa inflation rate ng bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd district Representative Aurelio Gonzales Jr., unti-unti nang babagal ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin, matapos maitala ang 6.1 % inflation rate para sa buwan ng Setyembre.
Pangunahin aniyang dahilan ng consumer price hike ay ang taas-presyo ng bigas at langis, na nag-domino effect sa iba pang produkto at serbisyo.
Ngunit dahil sa mabilis na hakbang ng Marcos Jr. administration na magpataw ng price cap ay naibsan ang taas-presyo ng bigas.
Bagamat aminado na limitado ang maaaring gawin ng pamahalaan para makontrol ang presyo ng produktong petrolyo ay agad namang nagkasa ng ayuda para ibsan ang epekto ng oil price hike.
Ayon naman kay House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga, dahil sa panahon na ng anihan ay bababa na rin ang presyo ng pangunahing agricultural products.
Kaya malaking bagay aniya ang patuloy na suporta ng Marcos Jr. adminsitration sa agriculture sector dahil ang mas maraming ani at poduksyon ay malaking tulong para mapabagal ang inflation rate.
“The President’s commitment to revitalizing agriculture and rectifying past deficiencies is undeniable. By investing in infrastructure, technology, and sustainable farming practices, we are not only improving the livelihoods of our farmers but also fortifying the foundation of our economy,” dagdag nito. | ulat ni Kathleen Forbes