Tatapusin na ngayong araw ng Department of Social Welfare and Development ang payout ng ikalawang tranche ng Emergency Cash Transfer sa Mayon evacuees.
Ayon sa DSWD, may natitira na lang na 1,544 na benepisyaryo sa Santo Domingo at 444 sa lungsod ng Tabaco ang inaasahang makatatanggap ng kanilang ECT.
Kahapon, aabot sa 573 pamilyang benepisyaryo sa Daraga at 908 pamilya sa Malilipot ang pinagkalooban ng ECT.
Bahagi sila ng 5,289 Mayon-affected families na pinagkalooban ng ECT na pinasimulan noong Biyernes.
Ang pamamamahagi ng ECT ay iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para tiyaking mabigyan ng tuloy-tuloy na food packs at cash aid ang mga pamilya.
Ang Mayon evacuees ay pinayagan nang makauwi ng pamahalaang panlalawigan ng Albay noong Oktubre 5 matapos ang halos apat na buwan na pananatili sa evacuation centers. | ulat ni Rey Ferrer