Tumanggap ng karagdagang suporta mula sa dalawang grupo si Transportation Secretary Jaime Bautista sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon laban sa kanya.
Kapwa nagpatotoo sa integridad ni Sec. Bautista ang dating Presidente ng Flight Attendants’ and Stewards’ Association of the Philippines (FASAP) na si Bob Anduiza at ang Private Emission Testing Center Owner’s Association (PETCOA) Chairman Bernardo Chang, Jr.
Sinabi ni Anduiza na nakaharap niya noon si Bautista sa mga labor dispute sa loob ng mahigit 25 taon noong presidente pa ang DOTr chief ng Philippine Airlines (PAL). Aniya, si Bautista ay palaging magalang, tapat, makatuwiran at marangal, kahit na sila ay may malalim at seryosong hindi pagkakaunawaan. Idinagdag pa nito na ang mga paratang ng korapsyon at kawalan ng dangal ay hindi makatarungan para kay Bautista at sa kanyang pamilya.
Sinabi naman ni Chang na hindi sila naniniwala sa mga pinapalabas at walang batayang akusasyon na ibinabato sa transport chief. Binanggit din niya ang papel at kontribusyon ni Bautista sa industriya ng emission testing sa bansa.
Sumama ang FASAP at PETCOA sa Vehicle Inspection Center Operators Association of the Philippines (VICOAP) sa pagpapahayag ng kanilang suporta kay Sec. Bautista.
Nauna na rin, itinanggi ni Sec. Bautista na tumanggap ito ng pera o pabor mula nang maupo siya bilang kalihim at nagbabalak na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga nag-aakusa sa kanya.
Samantala, nagpahayag din ng kanilang paniniwala sa integridad ng suspendidong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III ang mga transport group at sinabi nila na hindi sila sasali sa umano’y pambansang transport strike na nakatakda sa Oktubre 16. | ulat ni EJ Lazaro