Maagang napuno ng mga tarpaulin ang ilang common poster areas na itinalaga ng Commission on Elections (COMELEC) sa Quezon City ngayong unang araw ng campaign period para sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Kabilang dito ang Serbisyong Bayan Park sa Brgy. Batasan Hills na isa sa pinakamalaking barangay sa lungsod.
Tadtad na agad ang buong gate ng park ng campaign posters mula sa tumatakbong kapitan, kagawad, at SK.
Sa Distrito Uno naman, marami na ring nakapaskil na campaign posters sa common poster areas sa Brgy. Bahay Toro at Brgy. Project 6.
Sa kasalukuyan, lahat naman ng mga nakapaskil na tarpaulin ay nakasunod sa tamang paraan ng pangangampanya kagaya ng standard na 2×3 size lamang ng poster ang pinapayagan sa bawat kandidato.
Una na ring ipinunto ng COMELEC na nakabantay ang Task Force Anti-Epal na inatasan para matyagan din ang mga magpapasaway sa campaign period. | ulat ni Merry Ann Bastasa