Isang modus ng ilegal na pagpasok ng mga dayuhan sa bansa ang nabunyag sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Justice (DOJ).
Sa pagdinig, ibinahagi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na nasa 10 dayuhan na ang nahuli nilang sumubok na makapasok ng Pilipinas gamit ang lehitimong Philippine passports.
Ipinaliwanag naman ni BI Spokesperson Dana Sandoval na kinukwestiyon nila ang mga indibidwal na pumapasok sa bansa na may gamit na Philippine passport, hindi lang dahil hindi sila marunong mag-tagalog, kundi dahil na rin hindi sila makapagpresenta ng mga supporting document.
Ang ilan rin aniya ay umaamin na ang supporting documents na hawak nila ay binigay lang sa kanila ng fixer o kakilala nila.
Sa ngayon, habang iniimbestigahan pa ang mga ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay nananatiling nakaditine ang mga nahuling dayuhan at nahaharap sa deportation.
Kinokonsidera naman ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na isang national security issue ang usaping ito at hinimok ang mga awtoridad na tugunan ang naturang modus. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion