Pinili na lamang ng ilang mga jeepney driver sa Marcos Highway sa Antipolo City na huwag na munang singilin sa mga pasahero ang pisong provisional increase sa pamasahe.
Ito’y kahit pa una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na hindi na kailangan pa ng tarima o fare matrix.
Gayunman, sa mga napagtanungang jeepney driver ng Radyo Pilipinas, ayaw na nilang makipagtalo sa mga pasahero dahil hinihingan sila ng tarima hinggil dito.
Kaya naman minabuti na lamang ng mga ito na huwag nang magtaas muna ng pamasahe bilang konsiderasyon na rin sa mga pasahero.
Giit ng mga tsuper ng jeepney, hihintayin na lamang nila ang desisyon ng LTFRB hinggil sa hirit na ₱5 umento sa pamasahe para isang beses na lamang sila kukuha ng tarima na nagkakahalaga ng ₱500. | ulat ni Jaymark Dagala