Nagsimula nang kumilos ang Commission on Elections (COMELEC) katuwang ang Quezon City LGU para magkasa ng “Operation Baklas” sa illegal campaign materials.
Alas-5 pa lang ng madaling araw nang simulan ng mga tauhan ng COMELEC, Quezon City Police District (QCPD),
Quezon City-Traffic and Transport Management Department (QC -TTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS), Market Development and Administration Department (MDAD), PARKS, Department of Sanitation and Cleanup Works (DSQC), TF Street Light, at QC Task Force Disiplina ang nag-ikot sa lahat ng distrito at pinagbabaklas ang mga tarpaulin ng mga kandidatong wala sa common poster area.
Ang ilan kasi sa mga campaign posters ay nakapaskil sa mga puno at mga poste ng kuryente.
Inalis din ang mga poster na sobra sa sukat sa ilalim ng COMELEC rules.
Isa sa nasundan nating grupo ang nag-ikot sa District 3 na mabilis ring natapos ang operasyon dahil kakaunti lang ang nakitang lumalabag.
Katunayan, sa isang trak na dala ng task force, wala pa sa 10 campaign posters ang nabitbit nito na tama naman ang mga sukat ngunit nakapwesto lang sa maling lugar.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni TTMD Chief Dexter Cardenas na aaraw-arawin ang pagbabaklas sa mga iligal na campaign materials.
Paalala nito sa mga pasaway na kandidato na magsasayang lang sila ng resources kung ipipilit nilang ikabit sa maling lugar ang kanilang mga campaign materials. | ulat ni Merry Ann Bastasa