Nagsasagawa ng closed door meeting ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) gayundin ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.
Ito’y makaraang dumating ang Schools Division Superintendent ng Antipolo City sa naturang paaralan para imbestigahan ang insidente ng pananakit ng isa sa mga guro sa isang 14-na taong gulang na estudyante na nagresulta sa pagakasawi nito.
Sa maikling panayam ng Radyo Pilipinas sa Principal ng Paaralan na si Gng. Marilyn Rodriguez, inaaksyunan nila at inaalam nang buong pangyayari.
Gayunman, sinabi ng Principal na batay sa paliwanag sa kanya ng guro na si Marisol Sison, hindi nya sinampal kundi tinapik lang sa pisngi ang estudyanteng biktima.
Dahil wala pang resulta ang imbestigasyon, wala pang suspensyong ipinapataw sa guro at kasalukuyang nakapagtuturo pa rin ito. | ulat ni Jaymark Dagala