Nakaranas ng pagsusuka ang 11 mga indibidwal na kinabibilangan ng dalawang isang-taong gulang na mga bata dahil sa pinaghihinalaang food poisoning sa Sitio Matigsalog, Barangay Marilog Proper, Marilog District, Davao City, Lunes ng gabi, Oktubre 16, 2023.
Sa report na nilabas ng Davao City Police Office (DCPO), bandang alas 7:30 kagabi nung mangyari ang insidente na agad namang dinala sa Central 911 Satellite Center sa Barangay Marahan para bigyan ng paunang lunas.
Pagktapos nito, itinakbo ang walo sa 11 sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) dahil sa patuloy na pag-iinda ng sakit ng iilan.
Ayon sa report, kumain umano ng nilutong spaghetti ang mga biktima tanghali ng Lunes at ilang oras ang lumipas ay nagsusuka na umano ang mga ito.
Sa mensaheng ipinadala ni DCPO Spokesperson Capt. Hazel Tuazon, na discharge na ang dalawang nasa SPMC habang mananatili pa sa ospital ang anim na nasa stable condition na rin sa ngayon.
Ani Tuazon, iniimbestigahan na ngayon ng awtoridad ang sanhi ng food poisoning kung ang sanhi ba nito ay ang spaghetti o ang pinagkunan ng tubig na ginamit sa pagluto nito. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao
📸 DCPO-PIO